Sa unang pagkakalimbag ng manwal “Kahandaan Katatagan at Kaunlaran ng Komunidad: Gabay sa Pagsasanay sa Disaster Management” noong 2003 inilahad ng Center for Disaster Preparedness (CDP) ang kanyang malaking pangarap na makitang ligtas, matibay at maunlad ang mga komunidad sa Pilipinas. Gamit ang manwal, nagpatuloy ang CDP sa pakikipagtulungan sa mga komunidad, mga NGO at pamahalaan sa pagpapataas ng kakayahan sa paghahanda at pagbawas ng peligro sa disaster sa pamamagitan ng mga pagsasanay. Sa Pangalawang Edisyong ng manwal, isinama na rin ng CDP sa mayaman niyang karanasan ang matagumpay na pakikipagtulugan sa mga komunidad at lokal na pamahalaan sa disaster risk management, partikular sa Program for Hydro-Meteorological Mitigation for Secondary Cities in Asia o ROMISE. Ang manwal na ito ay naging basehan ng samu't saring mga manwal sa community-based disaster risk reduction and management partikular na ang Basic Integrated Guide (BIG) ng NDRRMC-OCD.
Ang manwal ay pangunahing nakatutok sa mga Tagapagpadaloy ng pagsasanay kung paano aangkop at kikilos sa paghahanda at pag-iwas sa mga peligro ang mga taga-komunidad. Gaya ng unang edisyon, ang manwal ay pangunahing binubuo ng limang bahagi o modyul at may dagdag na sipi sa mga tampok na mga pangyayari sa proyektong PROMISE sa mga lungsod ng Dagupan at Pasig. Ang unang modyul tungkol sa pagsusuri ng kalagayan sa komunidad at Pilipinas ay tuntungan sa pagunawa sa mga batayang konsepto sa usaping disaster at disaster risk management na tinatalakay sa pangalawang modyul. Sa pangatlong modyul, idinidiin ang masinop na paghahanda at iba pang gawain ng komunidad katuwang ang iba pang gumaganap sa disaster risk management sa pagbawas ng peligro sa disaster. Ang ikaapat na modyul ay nakapatungkol sa paghahanda ng mga angkop na serbisyo sa panahon ng emergency. Ang pagbubuo ng isang plano ng komunidad sa pamamahala sa disaster (counter disaster plan, disaster risk management plan, disaster risk management action plan) at organisasyon sa komunidad na tututok sa gawaing disaster risk management ang paksa ng ikalimang modyul.
Nasa simple at madaling sundan na pormat ang manwal. May mga larawan o icon para sa layunin ng modyul at sesyon, pangunahing ideya, pamamaraang maaaring gamitin, daloy sa pagtalakay sa paksa, mga kailangang gamit, nakalaang oras, tip at sanggunian para sa tagapagpadaloy, at ilang babasahin o hand-out para sa mga kalahok.
Ang manwal ay kapaki-pakinabang sa mga lokal na pamahalaan, organisasyon at indibiwal sa komunidad at mga nakikipagtulungan sa kanila sa disaster risk management at iba’t ibang larangan sa gawaing kaunlaran. Ang manwal na ito ay handog namin sa lahat ng naniniwala sa kahalagahan ng pagsasanay sa pagpapataas ng kakayahan para maiwasan ang disaster.
Maaring makita ang pinaikling sipi ng manwal dito.